Ang Mga Hakbanging Ipinatutupad ng Islam Upang Isakatuparang Maayos ang Pagnanasang Sekswal
Ipinagbabawal sa Islam ang anumang gawaing maaaring pumukaw at magdulot ng pagnanasang sekswal – maliban sa pagitan ng mag-asawa – sa pangambang maaaring makagawa ang isang tao ng labag sa batas. Ang mga sumusunod ay ang mga pamamaraang itinakda sa Islam upang mapangalagaan ng isang tao ang kanyang pagnanasang sekswal.
Ang paghiwalay sa tulugan ng mga anak
Sinabi ng Propeta ng Allah (y); “Ipag-utos ninyo sa inyong mga anak ang pagdarasal (Salah) kapag sila'y pitong taong gulang na, at paluin sila (kung hindi sila magdasal) pagdating nila ng sampung taong gulang, at dapat ihiwalay sila sa kanilang pagtulog.” (Abu Dawood)
Ito ay upang maiwasan ang anumang maaaring mangyari na makapagbigay init sa pagnanasang sekswal sa kanilang pagtulog.
Ipinag-uutos sa Islam na dapat magsuot ng Hijab ang babaeng Muslim at hindi dapat makipagtipon sa mga lalaking hindi Mahram, upang mapanatili ang dangal ng bawat isa at upang maiwasan ang pagnanasang sekswal. Sinabi ng Allah (y); "O Propeta! Sabihin mo sa iyong mga asawa at sa iyong mga anak na babae at sa mga kababaihang mananampalataya na ibaba ang kanilang takip sa buong katawan. Ito ay higit na makabubuti, na sila ay makilala (bilang kagalang-galang na kababaihan) upang sila ay hindi alipustain. At ang Allah ang Lubos na Mapagpatawad, ang Maawain." (Qur’an 33:59)
Gayunpaman, pinahihintulutan sa Islam ang mga matatandang babae, na hindi na umaasam ng pag-asawa at hindi na naaakit ang iba (sa kanila), na mag-alis ng panglabas na kasuotan. Ang Allah (y) ay nagsabi; "At sa mga kababaihang lumipas na ang panahon ng panganganak na hindi na umaasa pang makapag-asawa, hindi kasalanan sa kanila kung sila ay magtanggal ng kanilang damit na pantakip sa paraang hindi nagpapakita ng kanilang kagandahan. Nguni't ang pag-iwas (ang hindi pagtanggal sa damit na pantakip) ay higit na mabuti para sa kanila. At ang Allah ang Lubos na Nakakarinig ang Ganap na Maalam.” (Qur’an 24:60)
Ang pagbaba ng paningin
Ang isang Muslim ay inutusang ibaba ang paningin at huwag tumingin sa mga bagay na ipinagbabawal; sa dahilang maaaring maging marubdob ang kanyang pagtingin pagkatapos ng unang sulyap, at gagamitin ang imahinasyon na maaaring magtulak sa pagsasagawa ng labag sa batas. Ang Allah (y) ay nagsabi: "Sabihin sa mga mananampalatayang lalake na ibaba ang kanilang paningin (mula sa pagsulyap sa mga ipinagbabawal), at pangalagaan ang kanilang maselang bahagi ng katawaan (mula sa bawal na pakikipagtalik). Ito ay higit na makapagpapadalisay sa kanila. Katotohanan, ang Allah ay Lubos na Nakababatid ng anumang kanilang ginagawa. At sabihin sa mga mananampalatayang kababaihan na ibaba ang kanilang paningin (mula sa pagsulyap sa mga ipinagbabawal), at pangalagaan ang kanilang maselang bahagi ng katawan (mula sa bawal na pakikipagtalik) at huwag ilantad ang kanilang kagandahan maliban kung ano lamang ang dapat makita at ibaba ang kanilang takip sa buong katawan, mukha, leeg at mga dibdib at huwag ilantad ang kanilang kagandahan maliban sa kanilang mga asawa o sa kanilang mga ama, o sa kanilang mga biyenang lalaki o sa kanilang mga anak na lalaki o sa anak na lalaki ng kanilang mga asawa o sa kanilang mga kapatid na lalaki o sa anak na lalaki ng kanilang mga kapatid na lalaki o sa anak na lalaki ng kanilang kapatid na babae o sa kanilang mga kababaihan (kapatid na babae sa relihiyong Islam) o sa (mga babaeng) kanilang mga alipin na taglay ng kanilang kanang kamay o sa matatandang lalaking alipin na wala ng lakas (sa tawag na laman) o sa mga batang walang muwang sa tawag ng makamundong pagnanasa. At huwag nilang ipadyak ang kanilang mga paa upang kanilang mailantad kung ano ang kanilang ikinukubling kagandahan. At lahat kayo ay magsumamo sa Allah ng kapatawaran, O kayong mananampalataya, upang kayo ay maging matagumpay." (Qur’an 24:30-31)
Si Imam Ibn-ul-Qayyim (d) ay nagsabi: Dahil (ang pangangalunya) ay nag-uugat mula sa anumang bagay na nakikita, ang pag-uutos na ibaba ang paningin ay higit na pinagtuunan ng pansin kaysa sa pangangalaga ng maselang bahagi ng katawan (i.e. ang maging malinis ang puri). Ang lahat ng pangyayari ay nag-uugat mula sa anumang nakikita; tulad din ng apoy na nagsisimula sa maliit na kislap. Ang isang masamang tingin ay nabubuo sa kaisipan (sa puso) na nagtutulak upang ito ay gawin at sa huli ito ay nagiging kasalanan. Kaya, ito ang sinabi: 'Sinuman ang nangalaga o nag-ingat sa apat na bagay ay napangalagaan nito ang kanyang Deen; ito ay ang kanyang paningin, kaisipan, mga pananalita, at mga gawain.' Maaaring sa hindi sinasadya, ang isang tao ay napatingin sa isang masamang bagay nguni't ipinagbabawal para sa kanya na magtangka muling tingnan ito o sa ikalawang pagkakataon.
Ang Propeta (s) ay nagsabi kay Ali (d):“O Ali (makinig ka!), Huwag ipagpatuloy ang pagtingin (sa mga ipinagbabawal na bagay) dahil ang unang tingin ay pinapahintulutan (para sa iyo) nguni't ang pangalawa ay hindi na.” (Tirmidhi)
Upang mahimok ang mga Muslim na ibaba ang kanilang mga paningin, ang Propeta (s) ay nagpahayag ng gantimpalang makukuha ng isang Muslim sa pag-iingat at pagbaba ng paningin ng dahil sa takot sa Allah (y) at sa pag-asang mabigyan siya ng gantimpala. Ang Propeta (s) ay nagsabi: “Ang pagsulyap ay kagaya ng isang palasong may lason ni Iblees (Satan); sinuman ang umiwas dahil sa takot sa Allah at umaasa sa Kanyang Kasiyahan at upang makatanggap ng gantimpala; ang kanyang Iman (pananampalataya) ay lalakas na ang kasiyahan nito ay mararamdaman sa kanyang puso.” (Haakim)
Ang paghingi ng pahintulot bago pumasok sa pribadong pamamahay ng sinuman, upang maiwasan ang pagtingin sa mga hindi kaaya-ayang tagpo o tanawin
Ang Allah (y) ay nagsabi: "O kayong mananampalataya! Hayaan ang inyong mga alipin at babaing alipin, at yaong kabilang sa inyo na hindi pa umaabot sa tamang gulang na humingi ng pahintulot (bago sila lumapit sa inyong kinaroroonan) sa tatlong pagkakataon: bago sumapit ang Fajr (Umagang Pagdarasal), at habang kayo ay nagpapalit ng damit para sa tanghaliang (pamamahinga), at pagkatapos ng Isha (huling pagdarasal sa gabi). Ang mga ito ang tatlong pagkakataong pangsarili para sa inyo; sa ibang oras maliban dito, walang pagkakasala sa inyo o sa kanila na gumala at asikasuhin ang isa't isa. Ganyan ginawang malinaw ng Allah ang mga talata ng Qur'an para sa inyo. At ang Allah ay Lubos na Maalam, ang Tigib ng Karunungan." (Qur’an 24:58)
Ang Allah (y) ay nagsabi; "At kung ang mga bata na kabilang sa inyo ay umabot na sa tamang gulang, hayaan silang humingi ng pahintulot sa nakatatanda sa kanila (sa gulang). Ganyan ginawang malinaw ng Allah ang Kanyang Ayat para sa inyo. At ang Allah ang Lubos na Maalam, ang Tigib ng Karunungan." (Qur’an 24:59)
Ipinagbabawal sa Islam na pamarisan ng kalalakihan ang kababaihan at ang kababaihan na tularan ang kalalakihan
Si Ibn Abbas (d) ay nagsabi: “Ang Sugo ng Allah ay isinusumpa ang mga lalaking tinutularan ang mga babae at ang mga babaeng tinutularan ang mga lalaki.” (Bukhari)
Ipinagbabawal sa Islam ang tumingin sa mga bagay na magtutulak sa pagnanasang sekswal, kagaya ng mga malalaswang larawan
Si Abdurrahman b. Abi Sa’eed al-Khudri (d) ay nagsabing ang kanyang ama ay narinig ang Propeta (s) na nag-ulat; “Ang isang lalaki ay hindi dapat tumingin sa maselang bahagi ng kapwa niya lalaki, o kaya'y ang isang babae ay hindi dapat tumingin sa maselang bahagi ng kanyang kapwa babae. Ang dalawang lalaki ay hindi dapat mahiga na nakahubad sa iisang kumot, at ang dalawang babae ay hindi dapat mahiga na nakahubad sa iisang kumot.” (Muslim)
Ipinagbabawal ang makinig sa mga bagay na nakakarahuyo sa pagnanasang sekswal, kagaya ng mga awitin
Karaniwan sa mga awitin ay nakakapukaw sa damdamin ng isang tao tungo sa pagnanasang sekswal at maaaring gumawa ng mga kasamaan. Ang mga pantas na Muslim ay matapat sa pagsasabi ng katotohanan tungkol sa mga awitin, nang kanilang sabihin na; ‘Ang mga awitin ay nagtutulak upang gumawa ng pakikiapid o pangangalunya.”
Ipinagbabawal ng Propeta (s) ang makasama sa mahabang panahon ang isang binata (o binatilyo) at titigang mabuti lalo na yaong may kaakit-akit ang anyo
Si Abu Hurairah (d) ay nagsabi na ang Propeta (s) ay nag-ulat: “Ang anak ni Adan ay nagiging bahagi sa pangangalunya. Ang mga mata ay nangangalunya sa pagtitig sa mga ipinagbabawal na bagay. Ang mga tainga ay nangangalunya sa pakikinig ng mga ipinagbabawal na bagay. Ang pangangalunya ng dila ay ang pakikipag-usap sa mga babaeng hindi kakilala. Ang pangangalunya ng mga kamay ay ang paghawak sa mga ipinagbabawal na bagay. Ang pangangalunya ng mga paa ay ang paglakad sa mga ipinagbabawal (na lugar). Samantalang ang puso ay umaasam at naghahangad; magkagayon, ang isang tao ay maaaring makiapid o kaya'y mapalapit sa pagsasagawa nito.” (Muslim)
Ipinagbabawal ng Propeta (s) na mapag-isa sa piling ng mga babaeng hindi kilala
Maaaring ang taong ito ay mahikayat ni Satanas na gumawa ng pangangalunya sa pamamagitan niya. Ang Propeta (s) ay nagsabi: “Huwag hayaan ang sinuman sa inyong manatiling nag-iisa sa piling ng babae (na hindi kilala), dahil si Satanas ang maaaring pangatlo sa kanila.” (Ibn Hibban)
Ang malayang pakikisalamuha ng mga kalalakihan sa kababaihan ay ipinagbabawal sa Islam, sapagka't ito'y maaaring magbunga ng ipinagbabawal na relasyon, at ang lahat ng bagay na umaakay sa ipinagbabawal ay ipinagbabawal din.
Si Propesor Muhammad Qutub (d),ay may ganitong komentaryo sa kanyang aklat na pinamagatang “Man between Materialism and Islam”:
“Ang kawalang-malay sa coeducation ay isang pambihirang kasaysayang nagmula sa Kanluran. Nang isulong ang ‘secularism’ (walang-kaugnayan sa relihiyon) ng Taga-Kanluran at magsimulang mabuwag ang idealismo at naghangad na makitungo sa pamamagitan ng makamundong pagnanasa (sexual pleasure), ang mga ‘Sociologist’ (mga siyentipikong may karunungang panlipunan) at 'Psychologist' (mga siyentipikong may karunungang pangkaisipan) ay nagpahayag ng kanilang pagsang-ayon sa maaaring kapakinabangang maidudulot ng pagsasama-sama ng lalaki at babae sa isang paaralan (Co-education). Sa huli, tinalikuran ng Taga-Kanluran ang mga kahalagahan at kapakinabangang ito, pagkaraang kanilang matuklasan ang masamang bungang hatid nito. Magkagayon, ang mga Psychiatrist, Psychologist at mga Neurologist ay binawi ang kanilang naunang opinyon at sinabing ang pagtitipon na may sayawan, ang pagsama-sama ng mga inosenteng kabataan, gayundin ang iba pang pagsasalu-salo bagama't ito'y nasa ilalim ng pangangalaga ng mga magulang ay maaaring mangibabaw pa rin ang makamundong (sekswal na) damdamin. Kapag ang ganitong damdamin ay pinigilan sanhi ng panlipunang kalagayan o dahil sa kahihiyan, ito'y maaaring maging daan upang magkaroon ng sikolohikal o pagkabahala sa kanilang isipan sa naturang okasyon. Sa ganitong pagkakataon, isa sa dalawa ang maaaring maganap sa isang kabataan, maaaring humanap siya ng ibang lugar upang bigyan-kasiyahan at pawiin ang kanyang makamundong damdamin na walang humahadlang o pumipigil. O kaya'y magkaroon siya ng lubhang pangamba na maaaring magdulot ng isang malala at mapanganib na karamdaman. Samakatuwid, anong uri ng kawalang-malay at pag-aalaga ito?”
Ipinagbabawal sa Islam ang isang babae na maglarawan ng ibang babae sa kanyang asawa
sa pangambang maging daan ito upang iwanan niya ang kanyang asawa. Ang ibang katangian ng babae na sinabi sa kanya na hindi taglay ng kanyang asawa ay maaaring makaakit sa huli. Maaari ring gawing dahilan ito ni Satanas upang siya'y magnasa sa ibang babae. Nag-ulat si Abdullah b. Masood (d) na ang Sugo ng Allah (y) ay nagsabi:
“Ang isang babae ay hindi dapat makipagtipon sa ibang babae at pagkatapos ay ilarawan ang detalye ang babaing ito sa kanyang asawa, na parang nakikita ng lalaki ang babae.” (Abu Dawood)Ipinagbabawal sa mga kababaihan na lumabas sa kani-kanilang mga tahanan na puno ng “make-up” o pampaganda at pabango
Ang ganitong kagawian ay nakakatawag pansin sa mga kalalakihan na maaaring mag-akay sa pagsasagawa ng labag sa batas. Ang Allah (y) ay nagsabi; "At manatili sa inyong mga tahanan, at huwag hayaang malantad ang inyong sarili tulad noong panahon ng kamangmangan" (Qur’an 33:33)
Ipinagbabawal din sa isang babae ang makipag-usap ng may malambing at malumanay na pananalita, ito'y pangangalaga sa isang babae mula sa mga lalaking mahihina at naghahanap ng pangangalunya at pakikiapid. Ang isang babae ay dapat makipag-usap sa mga lalaki (hindi kakilala) kung kinakailangan lamang, at hindi siya dapat magsalita ng nakakaakit. Ang Allah (y) ay nagsabi: "...huwag maging malambing sa pananalita upang ang isang may sakit (ng pagkukunwari o may masamang hangarin sa pangangalunya) ay masaling ang damdamin ng pagnanasa, subali't mangusap sa paraang kagalang-galang" (Qur’an 33:32)
Sinabi ng Allah (y); “…At kung kayo ay magtanong (sa mga asawa ng Propeta) nang anumang inyong naisin, tanungin sila sa likod ng harang o dingding; ito'y nagpapadalisay sa inyong puso at sa kanilang mga puso…” (Qur’an 33 :53)
Ipinagbabawal sa Islam ang paghuhubot-hubad (walang damit) na nagpapakita at nagtatanghal ng hubog ng kanilang katawan. Ang Allah (y) ay nagsabi: “O kayong mga anak ni Adan! Pinagkalooban Namin kayo ng kasuotan at damit upang matakpan ang inyong kahihiyan (maselang bahagi ng katawan) at (isang bagay) bilang palamuti. Datapuwa't ang makatuwiran at makatarungan ay ang pinakamabuting palamuti. Ito ang mga tanda (Talata ng Qur’an na nagpapaliwanag tungkol sa legal na tungkulin) ng Allah, upang sila ay makaalala!” (Qur’an 7:26)
Si Abu Hurairah (d) ay nag-ulat na ang Sugo ng Allah (y) ay nagsabing: “Mayroong dalawang uri ng taong kabilang na mananahan sa Impiyerno, at sila ay hindi ko pa nakikita; ang mga taong may panghagupit na katulad ng mga tainga ng toro, na siyang pinanghahagupit sa mga tao. At ang mga kababaihang nakadamit nguni't parang walang damit, at naglalakad na parang nang-aakit, at hindi sumusunod sa Allah. Ang kanilang mga ulo ay kagaya ng umbok ng pilay na kamelyong ‘Bactrian’. Sila ay hindi makakapasok sa Jannah (Paraiso) na ang bango ay maaamoy mula sa napakalayong lugar.” (Muslim)
Ang Islam ay nagpaliwanag kung kailan ang babae ay maaaring magsuot ng pangkaraniwang pananamit na nakikita ang kanyang kagandahan. Ang Allah (y) ay nagsabi: "At sabihin sa mga mananampalatayang kababaihan na ibaba ang kanilang paningin (mula sa pagsulyap sa mga ipinagbabawal), at pangalagaan ang kanilang maselang bahagi ng katawan (mula sa bawal na pakikipagtalik) at huwag ilantad ang kanilang kagandahan maliban kung ano lamang ang dapat makita at ibaba ang kanilang takip sa buong katawan, mukha, leeg at mga dibdib at huwag ilantad ang kanilang kagandahan maliban sa kanilang mga asawa o sa kanilang mga ama, o sa kanilang mga biyenang lalaki o sa kanilang mga anak na lalaki o sa anak na lalaki ng kanilang mga asawa o sa kanilang mga kapatid na lalaki o sa anak na lalaki ng kanilang mga kapatid na lalaki o sa anak na lalaki ng kanilang kapatid na babae o sa kanilang mga kababaihan (kapatid na babae sa relihiyong Islam) o sa (mga babaeng) kanilang mga alipin na taglay ng kanilang kanang kamay o sa matatandang lalaking alipin na wala nang lakas (sa tawag na laman) o sa mga batang walang muwang sa tawag ng makamundong pagnanasa. At huwag nilang ipadyak ang kanilang mga paa upang kanilang mailantad kung ano ang kanilang ikinukubling kagandahan. At lahat kayo ay magsumamo sa Allah ng kapatawaran, O kayong mananampalataya, upang kayo ay maging matagumpay." (Qur’an 24:31)
Ipinagbabawal sa babae ang maglakbay mag-isa
na walang Mahram (lalaking katiwala) tulad ng asawa, ama, kapatid na lalaki o kaya ang malapit na kamag-anak na hindi niya maaaring pakasalan. Ang Sugo ng Allah (y) ay nagsabi: “Ang lalaki ay hindi dapat makisalamuha ng nag-iisa sa babaeng (hindi kakilala) o kaya'y maglakbay ang babae ng walang ‘Mahram’. Isang tao ang nagtanong sa Propeta; ‘O Sugo ng Allah ! Ako ay nakatalang pumunta sa ganitong labanan, nguni't ang aking asawa ay umalis upang magsagawa ng Hajj!’ Ang Propeta ay nagsabi, ‘Samahan mo ang iyong asawa para sa pagsagawa ng Hajj”. (Bukhari)
Ang kabutihang dulot nito ay mapangalagaan at mabantayan ang kapakanan at dangal ng isang babae, sapagka't ang paglalakbay ay hindi madali, na nangangailangan ng maraming bagay, at ang isang babae ay mahina dahil na rin sa pagkakaroon ng buwanang dalaw, ang pagbubuntis, at pagpapasuso ng kanyang sanggol. Dagdag pa rito, ang babae ay madaling malinlang kung ihahambing sa isang lalaki, sapagka't maaari siyang maapektuhan ng kanyang kapaligiran. Kaya sa oras ng paglalakbay, mangangailangan siya ng isang lalaking magbabantay at mangangalaga mula sa mga nagnanais gumawa ng anumang kasamaan laban sa kanya sa anumang paraan, o kaya'y maaaring agawin ang kanyang pera. Nangangailangan din siya ng magbibigay ng kanyang pangangailangan, at tiyakin ang kanyang kaligtasan. Ang isang Mahram ay obligadong isakatuparan ang bagay na ito, upang siya ay hindi mangailangan ng anumang tulong mula sa isang hindi kakilala.
Ang Propeta (s) ay nag-utos sa mga lalaking nakakita ng isang babae at naakit sa kagandahan nito at napukaw ang kanilang pagnanasang sekswal, na bumalik sa sariling tahanan at lapitan ang kanyang asawa
Sa ganitong paraan, siya ay nakaiwas sa paggawa ng masama at nakalayo sa udyok ni Satanas. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi; “Ang babaeng lumapit sa anyo ni Satanas ay ganoon din ang anyo na lalayo kagaya ni Satanas.” (Muslim)
Ipinag-uutos sa Islam sa mag-asawa na kailangang masiyahan ang bawat isa sa kanilang pagtatalik kapag dumating ang pagnanasang sekswal sa sinuman sa kanilang dalawa
Ipinagbawal sa isang babae ang tumanggi sa paanyaya ng kanyang asawa kapag ito ay nag-anyayang makipagsiping upang mahibsan ang kanyang sekswal na hangarin, sapagka't ito'y maaaring maging dahilan upang siya ay makagawa ng kasamaan. Maaaring ang lalaki ay mag-isip ng ibang paraan upang mahibsan ang sariling kasiyahan o di kaya'y magkaroon ng pagkabalisa sa kanyang isipan, at ito'y kapwa nakasasama sa kalusugan. Ang Propeta (s) ay nagsabi;“Kung tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na sumiping sa kanyang pagtulog, nguni't siya ay tumanggi, at ang lalaki ay natulog ng may galit sa kanya, isusumpa ng mga Anghel ang babae hanggang sa kinaumagahan.” (Abu Dawood)
Kinakailangan ding isakatuparan ng lalaki ang pagnanasang sekswal ng kanyang asawa upang mapangalagaan at mailayo sa paggawa ng kasamaan. Si Imam Ibn Hazm (d) ay nagsabi; “Tungkulin ng lalaki ang makipagtalik sa kanyang asawa, kung siya ay dalisay na, at kung may kakayahang gawin ito. Kung hindi, ang taong ito ay nagkakasala.”
Ang katibayan nito ay mula sa salita ng Allah (y): “…At kung napadalisay na ang kanilang sarili, kung gayon, sila ay inyong lapitan (at makipagtalik) sa paraang ipinag-utos ng Allah...” (2:222)
Dahil sa kahalagahan ng bagay na ito, kung ang lalaki ay pinabayaan at hindi binigyan ng kasiyahan sa pakikipagtalik ang kanyang asawa, binibigyan ang babae ng karapatan upang magsakdal sa Korte – Shari’ah – kung kinakailangan, upang makamtan niya ang kanyang karapatan. Ito ay upang mapanatili ang katiwasayan sa lipunan mula sa lahat ng kasamaan.
Sinuman ang nasisiyahan na makitang lumalaganap ang kasamaan sa pamayanan ay katiyakang makakatanggap ng mabigat na kaparusahan mula sa Allah (y). Ang Allah (y) ay nagsabi; “Katotohanan, sinuman ang nagnanais na ipalaganap ang (krimen) pakikiapid o pangangalunya sa mga mananampalataya, sila ay tatanggap ng matinding kaparusahan sa mundong ito at sa kabilang buhay. At ang Allah ang nakakaalam at hindi ninyo nalalaman.” (Qur’an 24:19)
Kung ganito ang kaparusahan ng mga taong gustong maging palasak ang pangangalunya (sa Lipunan), ano ang parusa ng mga gumagawa nito at ang mga tumutulong sa paglaganap ng mga ganitong gawain sa lipunan?