Ang Pag-aasawa sa Islam
Si G. Sayyid Saabiq ay nagkomentaryo ng ganito sa kanyang aklat na pinamagatang, ‘Fiqhu-Sunnah’: : Hindi ipinahihintulot sa Islam ang pagpapalaya ng nararamdamang pagnanasang sekswal maliban lamang kung ito'y isasagawa sa ilalim ng kasal, sapagka't ang Dakilang Allah, ay hindi naglalayong ang isang tao ay makapantay ng isang hayop na ipinatutupad ang kanyang pagnanasang sekswal ng hindi nauunawaan, o kaya'y ang kanyang pakikipag-ugnayan sa isang babae ay maging masalimuot na walang sinusunod na alituntunin.
Ang Islam ay nagtatag ng isang pamantayan na mangangalaga sa dangal at kalinisan ng tao. Ang ugnayan sa pagitan ng lalake at babae ay nangyayari lamang pagkaraan ng isang kasunduan, at ang kasalan ay nasaksihan at napatunayan ng iba na silang dalawa ay pinagbuklod. Sa ganitong pagkakataon, ang isang maayos at ligtas na pamamaraan para sa ganitong ugnayan ay naitatag. Ang kanilang magiging supling ay mapangangalagaang mula sa pagkaligaw at sila ay mapananatili sa kaaya-ayang kalagayan at ang babae ay mapangangalagaan din sa lahat ng uri ng kasamaan. Pinananatili ng Islam ang buklod ng isang pamilya sa pamamagitan ng pangangalaga at pagmamahal ng ina at ama kaya naman, ang mga anak ay lumalaki sa isang maayos na kapaligiran. Ito ang pamamaraan na kinikilala ng Islam at pinapawi ang iba pa bukod dito.
Dapat ding banggitin sa maikling paliwanag ang mga hakbanging ipinatutupad ng Islam upang pakasalan ang isang babae.
Unang Habangin: Ang Pagpili ng Babaeng Magiging Asawa
Mayroong malinaw na alituntunin at patakaran ang Islam tungkol sa paghahanap ng mapapangasawa, sapagka't ang layunin ng pagpapakasal sa Islam ay hindi lamang para sa kasiyahang pang-sekswal, bagkus ito ang unang hakbang upang makapagtatag ng isang pamilya. Kaugnay nito, ang isang Muslim ay kinakailangang pumili ng mapapangasawang makapagpapanatili ng mabuting relasyon. At hindi ito magaganap malibang ang isang Muslim ay magpakasal sa isang mananampalatayang may takot sa Allah (y) at maingat na isinasagawa ang mga ipinagkatiwalang tungkulin sa kanya, na hindi nakakalimot sa ibang tungkulin, kagaya ng pagpapaganda sa kanyang sarili para sa kanyang asawa. Ang Allah (y) ay nagsabi ; “At pakasalan yaong nabibilang sa inyo na malaya o wala pang pananagutan (lalaki o babae na wala pang asawa) o ang ‘Salihun’ (mga matatapat, malusog at may kakayahan) ninyong mga (lalaking) alipin at alilang babae. Kung sila man ay maralita, ang Allah ay magkakaloob sa kanila ng yaman mula sa Kanyang Kasaganaan. At ang Allah ay Sapat na Tagapanustos sa pangangailanagan ng Kanyang mga nilikha at ang Lubos na Maalam (sa kalagayan ng tao).” (Qur’an 24:32)
Pinaghahanda ng Islam ang mga lalaki na maging uliran sa pag-aasawa, na dapat ang pag-uugali ay angkop sa katangian na inilarawan ng Propeta (s). Sinabi ng Propeta (s): “Ang Muslim na walang kapintasan sa pananampalataya ay ang mga nagtataglay ng pinakamabuting katangian at pag-uugali. Ang pinakamabuti sa inyo ay ang mga pinakamabuti sa kanilang mga pamilya.” (Tirmidhi)
Pinaghahanda rin ng Islam ang mga babae na maging uliran sa pag-aasawa, na dapat ang pag-uugali ay angkop sa katangian na inilarawan ng Propeta (s). Siya ay tinanong; ‘Alin sa mga babae ang pinakamabuti?“Siya ay nagsabi; (Siya na babae) na nasisiyahan ang kanyang asawa kapag ito ay nakikita, tumatalima sa lahat ng ipinag-uutos oipinapagawa,sumusunod sa kanyang kahilingan (upang masiyahan sa sekswal na hangarin) at iniingatan ang kanyang kayamanan (hanggat hindi labag sa batas ang mga bagay na ginagawa).” (Nasa’ee)
Pinaghahanda rin ng Islam na maging uliran ang bawat pamilya upang maging matulungin sa lipunan. Ang Propeta (s) ay nagsabi; “Nawa’y kalugdan ng Allah ang isang lalaki na nagsasagawa ng panggabing pagdarasal (Salah) at ginigising ang asawa at kung hindi bumangon, magwilig ng tubig sa kanyang mukha. At nawa’y kalugdan ng Allah ang isang babaeng nagsasagawa ng panggabing pagdarasal (Salah), ginigising ang asawa, at kung hindi magising, magwilig ng tubig sa kanyang mukha.” (Ibn Khuzaimah)
Ikalawang Hakbangin:Pinahihintulutang Makita ang Babaeng Nais Pakasalan
Hangad ng Islam na makapagtatag ng pangmatagalang ugnayan sa buhay ng mag-asawa. Ang lalaki ay dapat maghanap ng kaakit-akit na asawa na mayroong mabuti at magandang asal upang ang ugnayan ng mag-asawa ay maging panghabang buhay. Kaya naman, pinahihintulutan sa Islam na magkita ang dalawa.
May isang lalaki ang lumapit at nagsabi sa Propeta (s) na nais niyang pakasalan ang isang babaeng ‘Ansar’ (mga tumulong sa mga lumikas at nanirahan sa Madinah). Iniulat na sinabi ng Propeta (s); “Nakita mo na ba siya? Ang lalaki ay sumagot ng; ‘Hindi’; at sinabi ng Propeta ng Allah; pagmasdan mo muna siya; dahil mayroong nakakasiyang katangian sa mata ng mga babaeng Ansar.” (Muslim)
Binanggit ng Propeta (s) na mahalagang makita ang isang babae bago ito pakasalan. Kaugnay nito, si Anas ay nag-ulat na si Al-Mughira b. Shu’bah (d) ay mayroong ugnayan sa isang babae at ang Propeta (s) ay nagsabi sa kanya;“Puntahan at tingnan mo siya, dahil sa paraang ito kapwa kayo magiging malapit at mapagmahal sa isa’t isa.” (Ibn Majah)
Ang Islamikong pamayanan ay isang lugar na malaya sa anumang panganib at suliranin. Ang pagmamahal at pag-ibig ng mag-asawa ay likas sa damdamin ng bawat isa (sa Islam). Samakatuwid, hangga’t ang pagmamahalan nila ay dalisay at wagas, alinsunod sa batas, ito ay ikinasisiya at inaayunan ng Islam. May isang taong nagtanong sa Propeta (s); “O Propeta ng Allah! Mayroon akong babaeng ampon (ulilang lubos). May dalawang lalaking nagpahayag na pakakasalan siya. Ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap. Gusto namin ang mayaman nguni't gusto niya yaong mahirap. Kanino namin siya ipakakasal? Ang Propeta ng Allah ay nagsabi; ‘Wala ng ibang higit na maganda sa dalawang taong nagmamahalan kundi ang pagpapakasal.” (Haakim)
Hinihikayat sa Islam na may mamagitan sa isang mabuting lalaki na magpakasal sa isang mabuting babae na nagmamahalan sa isa’t isa.
ISinabi ni Ibn Abbas (d) na ang asawa ni Bareerah (kalugdan nawa siya ng Allah) na isang alipin na ang pangalan ay Mugeeth, ay lagi ng sumusunod na naglalakad sa likod ni Bareerah na umiiyak, habang ang luha ay tumutulo sa kanyang balbas. Ang Propeta (s) ay nagsabi kay Abbas (d); “O Abbas! Hindi kaba nagtataka kung gaano kamahal ni Mugeeth si Bareerah na hindi naman siya gusto!” Pagkatapos ay sinabi kay Bareerah; ‘Bakit hindi ka bumalik sa kanya? Sinabi ni Bareerah, Inuutusan mo bang gawin ko? At sinabi sa kanya; ‘Ako ay namamagitan lamang para sa kanyang kapakanan.’ Nguni't sinabi ni Bareerah, hindi ko na siya kailangan.” (Bukhari)
Hinihikayat din ng Islam ang lalaking tagapangalaga na ipakasal ang babaeng nasa kanilang pamamahala sa isang nararapat, maginoo at mabait na lalaki pagkatapos ibigay ang kanilang pahintulot. Ang tagapangalaga ay dapat maging maingat sa paghahanap ng mabuting asawa ng kanilang nasasakupan (mga babaeng nasa kanyang pangangalaga). Ang Allah (y) ay nagsabi; At nang siya ay nakarating sa tabi ng balon ng Madyan (Midian) kanyang natagpuan doon ang isang pangkat ng mga kalalakihang nagpapainom (ng kanilang kawan ng hayop), at sa tabi ng mga ito ay kanyang nakita ang dalawang babae na nangangasiwa (ng kanilang kawan ng hayop). Siya ay nagsabi: "Ano ba ang nangyayari sa inyo?" Sila ay nagsabi: Hindi namin mapapainom (ang aming mga hayop) hangga't hindi kunin ng mga pastol (ang kanilang mga hayop). At ang aming ama ay lubhang matanda na. Kaya kanyang pinainom (ang kanilang mga hayop) para sa kanila, pagkaraan ay muling bumalik sa lilim, at nagsabi: "Aking Panginoon! Katotohanang ako ay nangangailangan ng anumang mabuti na Inyong maigagawad sa akin!" Pagkaraan, lumapit sa kanya ang isa sa dalawang babae, na nahihiyang naglalakad. Siya ay nagsabi: "Katotohanan, ikaw ay tinatawag ng aking ama upang ikaw ay gantimpalaan sa pagpapainom (ng aming mga hayop) para sa amin." Kaya nang siya ay lumapit sa kanya (sa ama ng dalawang babae) at isinalaysay ang nangyari sa kanya, siya ay nagsabi: "Huwag kang matakot. Ikaw ay nakatakas mula sa mga mamamayan ng Dhalimun (mga mapang-aping tao, walang pananalig at tampalasan).." At sinabi ng isa sa dalawang babae: "O aking ama! Kuhanin siya (bilang manggagawa)! Katotohanan, ang pinakamabuti sa mga lalaki para gawin mong manggagawa ay ang malakas at ang mapagkakatiwalaan." Siya ay nagsabi: "Ako'y naglalayong ipakasal ang isa sa aking mga anak na babae sa iyo, sa kasunduan na ikaw ay maglilingkod sa akin ng walong taon; nguni't kung ito'y natapos mong gawin ng sampung taon ito ay (bilang kabutihang loob) mula sa iyo. Nguni't hindi ko nais na ikaw ay ilagay sa kahirapan. Kung ito ay mamarapatin ng Allah, ako ay iyong matatagpuan bilang isang matuwid." Siya (si Musa) ay nagsabi: "Ito ay kasunduan sa pagitan natin! Alinman sa dalawang kasunduan ang aking tutuparin, walang di-makatarungan sa akin, at ang Allah ang Siyang saksi sa anumang ating pinag-usapan." (Qur’an 28: 23-28)
Si Salim b.Abdullah (d) ay nag-ulat na narinig niya si Abdullah b. Umar (d) na sinabi ni Umar b. Al-Khat’tab (d) na: “Nang (ang aking anak) si Hafsah b. Umar ay mabalo kay Khunais b. Hudahaafah as-Sahmi, nagkita kami ni Uthman b. Affan at iminungkahi ko na pakasalan niya si Hafsah at sinabi ko; ‘Kung gusto mo, ipakakasal ko si Hafsah b. Umar sa iyo,’ Dahil doon, ay kanyang sinabi, ‘Pag-iisipan ko ito’. Naghintay ako ng ilang panahon at sinabi niya sa akin, ‘Sa aking palagay ay hindi muna ako mag-aasawa sa ngayon.’ Pagkaraan noon ay nakatagpo ko si Abu Bakr at aking sinabi, ‘Kung nais mo, ipakakasal ko sa iyo si Hafsah b. Umar.’ Subali't siya ay nanahimik at hindi niya ako sinagot at higit akong nagalit sa kanya kumpara sa galit ko kay Uthman noon. Pagkaraan ng ilang araw, hiningi ng Sugo ng Allah ang kanyang kamay para pakasalan at ipinakasal ko siya sa kanya. Pagkaraan ng ilang araw, nagkita kaming muli ni Abu Bakr at kanyang sinabi; ‘Marahil ay nagalit ka nang balak mong ipakasal sa akin si Hafsah at hindi ako sumagot sa iyo? ‘Oo’. Iyon ang aking naging tugon. Sinabi ni Abu Bakr, ‘Walang pumigil sa akin upang hindi tanggapin ang iniaalok mo maliban sa Sugo ng Allahna isinangguni ang tungkol kay Hafsah; at hindi ko nais ipahayag ang lihim ng pagpapahiwatig ng Sugo ng Allah, subali't kung hindi niya (ang Propeta) tinanggap si Hafsah, katiyakang tatanggapin ko siya.” (Bukhari)
Ikatlong Hakbangin: Ang Kasunduan sa Kasal, Ang Mahar (Dowry), at ang Pag-iisang-Dibdib
Ang Mga Haligi at Unang Kasunduan ng Pag-aasawa:
- Tinatanggap at sinasang-ayunan ng magkabilang panig ang pagpapakasal.
Ang Propeta (s) ay nagsabi:“Ang isang nabalong babae o ang diborsiyada (babae) ay hindi dapat (pilitin) ikasal kung hindi niya ito kagustuhan. At ang dalaga ay hindi dapat (pilitin) ikasal kung hindi binibigay ang kapahintulutan. Ang mga Kasamahan ay nagtanong: Paano namin malalaman ang kanyang pagsang-ayon? Ang Propeta ay sumagot: ‘Kung siya'y nanatiling (ang babae) tahimik, ibig sabihin siya ay pumapayag.” (Bukhari)
Kung ang babae ay pinilit at hindi sumang-ayon sa pag-aasawa, mayroon siyang karapatang makipaghiwalay. Si Khansaa b. Jidhaam Al Ansaariyah ay nagsabi sa Propeta na pinilit siyang ipinakasal ng kanyang ama sa isang tao kahit na hindi niya ito gusto, kaya pinawalang saysay ng Propeta ang kasal nila. (Bukhari)
Ang mga pamantayan na may kaugnayan sa pag-iingat ay itinalaga upang mapangalagaan ang pamilya at mapigilan ang pagkalat ng kasamaan sa pamayanan (i.e. manloko sa ibang asawa) na siyang nangyayari kung ang isa sa mag-asawa ay hindi panatag sa isat' isa.
- Ang tagapangalaga ay kinakailangan upang maging katanggap-tanggap ang pag-aasawa.
Ang Propeta (s) ay nagsabi:“Walang kasal na katanggap-tanggap malibang ang isa ay may tagapangalaga at may dalawang mapagkakatiwalaang saksi (upang patunayan ang kasalan). Kung naganap ang kasalan na walang tagapangalaga at walang dalawang saksi, ang kasalan ay isang huwad na kasal, at kung magkaroon ng di-pagkakaunawaan sa bawat isa, magkagayon, ang hukom ang siyang magiging katiwala ng babae.” (Ibn Hibban)
Kapag ang isang babae ay walang lalaking tagapangalaga o kaya'y hindi pumapayag ang kanyang pamilya sa pagpapakasal sa lalaking nararapat sa kanya, ang hukom ang kanyang magiging tagapangalaga. Ang Propeta (s) ay nagsabi:“Ang hukom ay ang magiging tagapangalaga ng babae na (mangyaring) walang tagapangalaga.”
Si Ibn Abbas ay nagpaliwanag sa kabanata na ito; “O kayong nananampalataya! Ipinagbabawal sa inyong manahin ang kababaihan ng labag sa kanilang kalooban; at huwag silang pakitunguhan ng masama, dahil nais ninyong makuha ang bahagi (ng Mahar) ng dote na inyong ibinigay sa kanila, maliban lamang kung sila’y nagkasala ng lantarang pangangalunya, at pakisamahan sila ng marangal. Kung sila’y hindi ninyo kinalulugdan, maaaring hindi ninyo kinalulugdan ang isang bagay na sa pamamagitan nito’y magbibigay ang Allah ng isang masaganang kabutihan.” (Qur’an 4:19)
Noong panahon ng kamangmangan, kapag namatay ang lalaki, ang kanyang tagapangalaga ang siyang may karapatang magmana sa kanyang asawa; kung sinuman ang gustong ipakasal sa kanya ay maaari siyang ipakasal, o kaya naman ay hindi siya papayagang mag-asawa, kaya’t ipinahayag ng Allah (y) ang talatang ito.
- Kung ang magkabilang panig ay nagkasundo, itinalagang tungkulin ng lalaki na magbigay ng dote (dowry).
Ang Allah (y) ay nagsabi;At ipagkaloob sa kababaihan (na inyong pakakasalan) ang kanilang dote ng taus-puso, nguni’t kung kusang-loob nilang ibalik sa inyo ang anumang bahagi nito, ito ay inyong tanggapin at ikasiya ito ng walang pangamba sa anumang kamalian. (Qur’an, 4:4)
Ang Mahar (dote) ay dapat makatarungan. Ang Propeta (s) ay nagsabi: “Ang palatandaan sa Barakah (kabutihan) ng isang babae ay kung magaan ang hiningi sa oras ng kasunduan (sa pag-aasawa), sa dote at sa kanyang panganganak”. (Haakim)
Si Umar Bin Khattab (d), ang pangalawang ‘Khalifah’, ay nagsabi;“Huwag magmalabis sa paghingi ng dote (para sa babae). Kung may mga karangalang makukuha (sa mundong ito) o kaya ay pamamaraan sa kabanalan, ginawa na sana ito ng Sugo ng Allah . Hindi nagbigay ang Propeta sa alin man sa kanyang mga naging asawa o kumuha sa kanyang mga anak ng higit sa halaga ng labing dalawang Ooqiyah.” (Tirmidhi, Abu Dawood at Ibn Majah)
Anuman ang mga kondisyong nakasulat sa kontrata ng kasalan, nararapat nila itong isakatuparan at ang mag-asawa ay kailangang sundin ito. Ang Propeta ay nagsabi;“Ang pinakamakatarungang kondisyon na dapat unang matugunan ay ang mga may kaugnayan sa pag-aasawa”. (Bukhari)
Upang maipalaganap ang kaligayahan, nararapat na anyayahan ang mga kamag-anak at mga kaibigan ng mga ikinakasal. Ang layunin nito ay ipabatid sa madla ang kasalan.
Si Anas b. Malik ay nagsabi na si Abdurrahman b. Auf ay nagpunta sa Madinah mula sa Makkah at ang Propeta ay gumawa ng buklod ng pagkakapatiran nina Abdurrahman b. Auf at si Sa’d b. Ar-Rabi Al-Ansari. Si Al-Ansari ay mayroon dalawang asawa, kaya nagmungkahi si Al-Ansari na kumuha ng kalahati mula sa kanyang mga asawa at mga pag-aari. Si Abdurrahman ay sumagot; ‘Pagpalain ka nawa ng Allah sa iyong asawa at mga pag-aari’. Nakisuyo si Abdurrahman na ituro sa kanya ang daan patungong pamilihan. Pumunta si Abdurrahman sa palenke at bumili siya ng tuyong gatas at kaunting mantikilya. Pagkaraan ng ilang araw ay nakita ng Propeta si Abdurrahman(d) na mayroong dilaw na dagta sa kanyang damit at tinanong, ‘Ano iyan o Abdurrahman (d)?’ Siya ay sumagot; ‘Pinakasalan ko ang isang babaeng Ansar.’ Tinanong siya ng Propeta , ‘Magkano ang dowry (dote) na ibinigay mo? Siya ay sumagot; ‘Kasing-bigat ng isang pirasong datiles na ginto. Ang Propeta ay nagsabi; “Maghanda ng ‘Walimah’ (handaan sa kasalan) kahit isang tupa lamang”. (Bukhari)
Hindi dapat mag-aksaya at magmalabis (sa gastusin) sa handaan. Ang Allah (y) ay nagsabi:“Katotohanan, ang taong mapaglustay (ng walang kabuluhan) ay kapatid ng mga demonyo at ang demonyo (si Satanas) ay walang pasasalamat sa kanyang Panginoon”. (Qur’an 17:27)
Kailangang dumalo ang isang tao kapag siya ay inanyayahan sa kasalan, malibang siya ay may katanggap-tanggap na dahilan. Ang Propeta (s) ay nagsabi:“Sinuman ang inanyayahan sa handaan sa kasalan, siya ay dapat dumalo.” (Bukhari)
Ang mga taong dumalo sa pagtitipon ng kasalan ay nararapat na ipanalangin ang mga ikinasal (nag-anyaya) tulad ng ‘Hadeeth’ ng Propeta (s); ‘Al’laahum’magh fir la-hum wur-ham-hom wa baarik la’hom fee’maa razaqtahom’
Ang kahulugan ay: “O Allah! patawarin Mo sila, kalugdan Mo sila at pagpalain sila sa mga ipinagkaloob Mo sa kanila.” (Ibn Hibban)Ang mga panauhin ay nararapat ding manalangin sa Allah (y) para sa mag-asawa: ‘Baarakal-laaho laka wa baaraka alaika wa ja’ma'a bainakoma fee khair’
Ang kahulugan ay; “Pagpalain nawa kayong dalawa ng Allah at ipagkaloob nawa sa inyo ang mga mabubuting bagay”. (Haakim)Ang paggamit ng tambol (duff) at ang mga awiting hindi nakakaakit sa sekswal na hangarin ng isang tao ay ipinapahintulot sa mga babae sa ganitong pagtitipon upang maipahayag ang kasalan.
Ang Propeta (s) ay nagsabi kay A'ishah (d) noong itinalaga niya ang isang babae na magpakasal sa isang Ansaar“O A’ishah ! Nasiyahan ka ba (habang ginaganap ang kasalan) dahil kaibig-ibig sa mga ‘Ansar’ ang kasiyahan.” (Bukhari)