Ang Diborsyo sa Islam
Isinasaalang-alang sa Islam ang pag-iisang dibdib bilang isang sagrado at banal na ritwal. Sa dahilang ang Islam ay mahigpit na naglalayon upang maging matibay at mapalakas ang ugnayan ng mag-asawa. Inilarawan ng Allah (y) ang kontrata ng kasal bilang isang matatag at matibay na kasunduan. “At paano nga ba ninyo babawiin (kuhaning muli) ito sa kanila samantalang kayo ay nagtalik na sa isa’t-isa, at mula sa inyo ay tumanggap na sila, ang isang matatag at matibay na kasunduan (ng kasal)?” (Qur’an 4:21)
Ang mga sinabi ng Propeta (s) ay nagpapatunay sa kahalagahan ng bagay na ito. Siya ay nagsabi:“Hindi maituturing na siya ay nabibilang sa atin (bilang Muslim), ang lalaking nagtaboy sa kanyang asawa o sa aliping babae mula sa kanyang asawa o amo”. (Saheeh al-Jami as-Saghir)
Bagama’t ang pag-iisang dibdib ay isang biyaya at pinahahalagahan sa Islam, ang diborsyo ay itinuring na makatarungan at naaayon sa batas, gayunpaman, inilarawan ng Propeta (s) ang diboryso ng ganito;“Ang isang bagay na kinasusuklaman ng Allah kahit na ito ay naaayon sa batas ay ang diborsyo”. (Haakim)
Kapag ang pagsasama ng mag-asawa ay hindi na maaaring magpatuloy, tanging diborsyo ang nalalabing lunas para rito, upang mapangalagaan ang paglaganap ng kasamaan sa pamayanan, tulad halimbawa ng pangloloko ng isang lalake sa kanyang asawa gayundin naman sa kanya. Pinangangalagaan nito ang pagbabago ng angkan, alitan sa mga mamanahin, at pagkalat ng kasamaan sa lipunan. Ang diborsyo ay nakapaloob sa mga itinakdang hangganan, upang ito ay hindi abusuhin ng may kakaunting kaalaman. Nilinaw ng mga paham na Muslim na ang diborsyo ay nakapaloob sa mga sumusunod na mga alituntunin:
- Waajib (Itinakda); Ito ay itinakda ayon sa mga sumusunod na kalagayan:
- Kung ang dalawang hukom (ang isa ay mula sa pamilya ng babae at ang isa ay mula sa pamilya ng lalaki) ay nagpasiya na sila ay nararapat maghiwalay. Ang Allah (y) ay nagsabi;“Kung kayo ay nangangambang ang pagpapabaya (o di-pagtupad) ay maaaring maganap sa pagitan ng mag-asawa, magtalaga ng mamamagitan, isa mula sa kamag-anak ng lalaki at isa mula sa kamag-anak ng babae. Kung kapwa nila hinahangad ang kapayapaan, idudulot ng Allah ang kanilang pagkakasundo. Katiyakan, ang Allah ang Lubos na Maalam, ang Nakababatid sa lahat ng bagay”. (Qur’an 4:35)
- Kapag ang isang babae ay hindi ipinamumuhay ang katuruan ng Islam, o kaya siya ay hindi malinis. Ito ay ipinatutupad din sa lalaki, upang ang babae ay makapaghain ng pakikipaghiwalay sa kanyang asawa kung siya ay hindi sumusunod sa katuruan ng Islam o hindi malinis.
- Kung ang lalaki ay sumumpang hindi makikipagniig sa kanyang asawa, at hindi siya lumapit sa kanyang asawa ng mahigit apat na buwan. Ang Allah (y) ay nagsabi; “Yaong nagtakda ng panunumpa na sila ay hindi magkakaroon ng pakikipagtalik sa kanilang mga asawa ay nararapat na maghintay ng apat na buwan, kung sila ay nagsibalik (nakipagkasundong muli sa loob ng panahong ito) katotohanan, ang Allah ay Lagi nang Mapagpatawad, ang Maawain.” (Qur’an 2:226)
Si Ibn Umar (d) ay nagsabi; Kung natapos na ang itinakdang panahon, magkagayon ang lalaki ay maaaring panatilihin ang kanyang asawa sa mainam na paraan o kaya'y hiwalayan siya ayon sa ipinag-utos ng Allah.” (Bukhari)
- Makrooh (Hindi kapuri-puri); Ito ang kalagayan kapag ang isang lalaki ay nakipaghiwalay sa kanyang asawa ng walang sapat na dahilan. Ito ang sinisikap gawin ni ‘Iblis’ (Satanas), nawa’y isumpa siya ng Allah (y). Ang Propeta (s) ay nagsabi; “Inilagay ni Iblis (Satanas) ang kanyang trono sa ibabaw ng tubig at inutusan niya ang kanyang mga alagad. Ang pinakamalapit sa kanya (bilang mga alagad niya) ay yaong laging nanunukso at nag-uudyok sa tao. Dahil dito, ang sinumang nakagawa ng higit na masama sa mga alagad ni Satanas ay nabibigyan ng parangal. Bawat alagad ni Satanas ay kailangang lumapit sa kanya upang mag-ulat kung ano ang kanyang ginawang kasamaan. Ito ang naging pahayag ni Satanas: 'Wala kang ginawang anumang bagay!' At ang isa naman sa kanyang alagad ang lumapit at nag-ulat: ‘Hindi ko iniwanan ang lalaking iyon hangga't hindi ko sila napaghiwalay ng kanyang asawa’. Ilalapit ni Satanas sa kanya ang alagad na ito (na may karangalan at paggalang) at sasabihing: 'Katotohanan. Ikaw ang (nararapat bigyan ng karangalan)”. (Muslim)
- Mubaah (Makatarungan): Makatarungang hiwalayan ang babae kung masama ang kanyang pag-uugali, bagama't dapat siyang maging mapagtimpi kung mayroong siyang anak sa kanya.
- Haram (Ipinagbabawal); Kung hiniwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa panahon ng kanyang buwanang dalaw o sa panahon ng kanyang kalinisan, pagkaraang nakipagniig sa kanya. Ang Allah (y) ay nagsabi; “O Propeta ! Kung kayo ay makikipagdiborsyo sa kababaihan, hiwalayan sila ng naaayon sa itinakdang panahon para sa kanila, at kalkulahin ang panahong (mabuti), at matakot sa Allah, ang inyong Rabb (Panginoon)…” (Qur’an 65:1)
Diniborsyo ni Ibn Umar (d) ang kanyang asawa sa panahon ng kanyang pagreregla, kaya tinanong ni Umar (d) ang Sugo ng Allah (y) tungkol dito, at sinabi niya; “Utusan mo (ang iyong anak na lalaki) na sunduin siyang muli at lingapin hanggang siya ay maging dalisay (sa kanyang pagreregla) at pagkatapos ay dapat niyang hintayin muli ang kanyang susunod na panahon (ng pagreregla) at maging malinis muli, pagkaraan noon, kung nais niyang ibalik ay maaari niyang kunin muli, at kung gusto niyang idiborsyo maaari niyang idiborsyo bago siya makipagniig dito; at ito ang Iddah (itinakdang panahon) na itinalaga ng Allah sa mga babaeng gustong hiwalayan.” (Bukhari)