Ang Pananaw ng Islam sa ‘Sex’
Tinatanggap ng Islam ang katotohanan na ang sekswal na pagnanasa ng isang tao ay kailangang mahibsan o mapawi batay sa pamamaraan ng Shari’ah (ie: sa pagpapakasal). Hindi dapat mahibsan ang pagnanasa sa ibang paraan. Ikinagagalak ng Allah (y) ang mga taong sumusunod sa batas na ito at nagsabi; Katiyakang ang mga mananampalataya ang siyang magtatagumpay, silang nagsasagawa ng kanilang pagdarasal nang may kababaang-loob, at yaong umiiwas sa mga marumi. At yaong nagbabayad ng Zakah at yaong nangangalaga ng kanilang kalinisan (dangal o puri), maliban sa kanilang mga asawa o yaong nasa kanilang kanang kamay, upang sa gayon sila ay malaya sa anumang pagkakasala. (Qur’an 23:1-6)
Hinihikayat ng Allah (y) ang mga Muslim na mag-asawa, sapagka't ito ay ‘Sunnah’ (tradisyon) ng lahat ng mga Propeta at mga Sugo, nawa'y pangalagaan sila ng Allah (y) at ilayo sila laban sa anumang masamang bagay. Ang Allah (y) ay nagsabi; “At katotohanang Kami ay nagpadala ng mga Sugo na nauna sa iyo (O Muhammad ), at Aming ginawaran sila ng mga asawa at anak…” (Qur’an 13:38)
Hinihikayat maging ng Sugo ng Allah (y) ang mga Muslim na mag-asawa at magkaroon ng mga anak. Si Ma’qal b. Ya’saar ay nagsabi;
May isang taong nagpunta sa Sugo ng Allah (y) at nagsabi: ‘O Sugo ng Allah (y), ako ay ikakasal sa babaing galing sa mga mapitagang pamilya, siya ay mayaman nguni't baog. Pakakasalan ko ba siya? Ang Sugo ng Allah (y) ay nagsabi; “Pakasalan ang babaeng mahinhin, at may kakayahang magka-anak sapagka't aking ipagmamalaki (ang malaking bilang) ng aking pamayanan sa harap ng lahat ng pamayanan. (sa Araw ng Pagbabangong Muli).”(Abu Dawood)
Ipinag-uutos ng Islam sa mga Muslim na tulungan ang isang taong gustong mag-asawa kaagad. Si Abu Hurairah (d) ay nag-ulat na ang Sugo ng Allah (y) ay nagsabi: “Kung kayo ay nilapitan ng isang tao (na kalugod-lugod ang kanyang pag-uugali at pananampalataya) mangyaring ipakasal siya; kung hindi, ang ‘Fitnah’ (mga pagsubok at awayan) at kasamaan ang mangingibabaw.” (Haakim)
Hinihikayat ng Islam ang mga katiwala na gawing magaan at di-magulo ang mga bagay tungkol sa pagpapakasal. Ang Sugo ng Allah (y) ay nagsabi;“Ang palatandaan ng ‘Barakah’ (i.e.; kabutihan) sa babae ay kung magaan ang kasunduang pagpapakasal, mahar (dote) at ang panganganak.” (Haakim)
Ipinag-uutos ng Islam sa mga Muslim na mag-asawa ng maaga at hindi dapat matakot sa kahirapan. Ang Allah (y) ay nagsabi; “At inyong pakasalan sa inyong lupon ang mga wala pang pananagutan (lalaki at babae na wala pang asawa) o kaya ang mga matatapat at mataimtim na inyong mga alipin, lalaki o babae. Kung sila ay maralita, ang Allah ang magkakaloob sa kanila ng yaman mula sa Kanyang Kasaganaan, sapagka't ang Allah ay Siyang Tagapanustos sa lahat ng pangangailangan ng Kanyang mga nilikha, ang Lubos na Maalam sa lahat ng bagay (hinggil sa katayuan ng tao)”. (Qur’an 24:32)
Ang Propeta ng Allah (y) ay nagsabi: “Ang Allah ay lubos na tumutulong sa tatlong uri ng tao; ang Mujaahid (Muslim na nakikipaglaban) na tumatahak sa landas ng Allah), ang isang taong nag-asawa upang mapangalagaan at mapanatili ang kalinisan (ng kanyang puri) at ang isang alipin na nais mabayaran ang kanyang amo upang makamtan niya ang kanyang kalayaan”. (Haakim)
Ang isang Muslim na lalaki na hindi kayang magpakasal dahil sa kanyang kahirapan ay inuutusan na panatilihin ang kanyang kalinisan.
Ang Allah (y) ay nagsabi:“At yaong walang kakayahang pananalapi upang mag-asawa ay hayaan panatilihin ang kanilang dangal, hanggang sila ay pagyamanin ng Allah mula sa Kanyang Biyaya”. (Qur’an 24:33)
Sa Islam, ipinag-uutos sa mga kabataan ang pag-aasawa sa lalong madaling panahon. Nagbigay din ng payo ang Propeta() sa mga taong hindi makapag-asawa na putulin ang hangarin sa pagnanasang sekswal kung hindi makalikom ng sapat na halaga ng salaping gugulin. Ang Propeta ng Allah (y) ay nagsabi: “O mga kabataan! Sinuman ang may kakayahang (pananalapi at pangangatawan) para sa pag-aasawa, ay dapat magpakasal; upang mapigil niya ang kanyang paningin at mapanatiling malinis ang kanyang puri. Nguni't kung sinuman ang walang kakayahan para sa pag-aasawa, kailangan niyang mag-ayuno, dahil ito ang mangangalaga sa kanya (sa pagnanasang sekswal)”. (Bukhari)
Ang Qur’an ay naglarawan ng magandang halimbawa para sa mga kabataang Muslim kung ano ang gagawin sa pagnanasang sekswal, at kung papaano ang pagsugpo rito, na nakasaad sa salaysay ni Propeta Yousuf (a ) (Joseph). Ang Allah (y) ay nagsabi; "At siya (na babae), na kung saan siya ay naninirahan, ay nagtangkang akitin (na gumawa ng kahalayan), at isinara niya (ng babae) ang mga pintuan at nagsabi: 'Halika! Ikaw nga!' Siya ay nagsabi: 'Ako'y nagpapakupkop sa Allah!' Katotohanan, siya (ang iyong asawa) ay aking panginoon! Ginawa niyang maginhawa ang aking pananatili rito! (Kaya, hindi ko magagawang siya ay aking pagtaksilan). Katotohanan, ang mga mapaggawa ng kamalian ay hindi nagtatagumpay. At tunay nga na siya ay pinagnasaan niya (ng babae), at marahil siya ay nahulog sa kanyang pagnanasa, kung hindi lamang niya nakita ang palatandaan ng kanyang Rabb (Panginoon). Sa gayong paraan, Amin siyang inilayo sa kasamaan at bawal na pakikipagtalik. Katotohanan, siya ay isa sa Aming piniling alipin." (Qur’an 12:23-24)
Kahit na ang isang tao ay ibilanggo o saktan, hindi siya dapat pumayag sa bawal na pakikipatalik. Ang Allah (y) ay nagsabi: "Siya (ang babae) ay nagsabi: Siya nga (ang lalaki) na inyong isinusumbat sa akin, at nagawa ko ngang siya ay tuksuhin, subali't siya ay tumanggi. At ngayon kung siya ay tumangging sumunod sa akin, katiyakang siya ay itatapon sa kulungan, at siya ay isa sa mga nawalan ng dangal. Siya (si Yusuf) ay nagsabi: 'O aking Rabb (Panginoon)! Ang bilangguan ay higit na mainam sa akin kaysa sa anumang kanilang ipinag-aanyaya sa akin. Maliban na Inyong ilayo sa akin ang kanilang pagtatangka, ako ay mahuhulog sa kanilang pagnanasa at mabibilang sa mga mangmang." (Qur’an 12:32-33)
Ipinagbabawal sa Islam ang pagpaparaos sa pagnanasang sekswal sa anumang pamamaraan malibang ito ay makatarungan.