Ang Paglalambingan ng Mag-asawa
Isinasaalang-alang ng Islam na likas sa isang tao ang paghahanap ng sekswal na pagnanasa, na nararapat na maisakatuparan sa maayos at sumusunod sa mga batayan at regulasyon. Ang layunin ng kasal sa mag-asawa ay hanapin ang kaginhawahan at katatagang pang-espiritwal ng bawat isa.
“At ang Kanyang mga Tanda ay nang nilikha Niya para sa inyo ang inyong mga asawa mula sa inyong mga sarili, upang inyong matagpuan ang katiwasayan sa kanila, at Kanyang inilagay sa pagitan ninyo ang pag-ibig at awa. Katotohanan, naririto ang mga Tanda para sa mga taong nag-iisip.” (Qur;an 30:21)
Ang pag-aasawa ay pinahahalagahan sa Islam, si Jabir b. Abdullah ay nagsabi; ‘Ang aking ama ay namatay at naiwanan ang pito o siyam na babae (mga anak) at ako ay nag-asawa ng isang matanda’. Sinabi ng Propeta (s): “O Jabir, ikinasal ka na ba?’ Sumagot si Jabir ng pagsang-ayon. At siya'y tinanong muli; ‘Siya ba ay isang birhin o matanda na? Sinabi ni Jabir na ang kanyang napangasawa ay isang matanda. Nagbigay ng puna ang Propeta ng Allah at nagsabi; bakit hindi ka pumili ng isang birhin ng sa gayon ay lagi kayong nagkakatuwaan.’ Sinabi ni Jabir; ‘Si Abdullah (ang ama ko) ay nag-iwan ng mga kababaihan, at ayokong mag-asawa ng kagaya nila, kaya ako ay nag-asawa ng matanda upang sila ay kanyang mapangalagaan.’ Dahil doon ang Sugo ng Allah ay nagsabi; ‘Pagpalain ka nawa ng Allah.” (Bukhari)
Sa katunayan, hinihimok ng Islam ang pagiging maayos ng bawat isa. Nararapat na panatilihin ang kalinisan sa kanilang mga sarili, paglalagay ng pabango at maayos na pananamit. Sapagka't ito'y makatutulong upang payabungin ang pagmamahalan sa bawat isa. Ang Propeta (s) ay nagsabi: “Katotohanan ang Allah ay maganda at nais Niya ang kagandahan”.(Muslim)
“Si Na’fi’, kalugdan nawa siya ng Allah ay nagsabi na si Abdullah b. Umar (d) ay laging nagpapabango ng purong ‘Ood’ at ‘Ood’ na may halong kampor, at sinabi niya; ‘Ganito ang ginagawang pagpapabango ng Propeta ng Allah”. (Muslim)
“Si A'ishah, kalugdan nawa siya ng Allah, ay nagsabi; ‘Lagi kong nilalagyan ng pabango ang Propeta sa pinakamagandang pabangong binili niya, at dahil dito nakikita ko ang liwanag sa kanyang ulo at balbas.”(Bukhari)
Si Ibn Abbas ay nagsabi; ‘Ako ay nagpapapogi para sa aking asawa, gaya ng pagpapaganda niya para sa akin. Hindi ko hinihingi ang lahat ng mga karapatan ko sa kanya, dahil baka hindi ko maibigay sa kanya ang lahat ng kanyang mga karapatan, dahil sinabi ng Allah(U): “…At sila (ang kababaihan) ay mayroong karapatan (sa kanilang asawa na sila ay pangalagaan, katulad ng gastusin sa bahay) gayundin naman (ang kalalakihan) sa kanilang pakikitungo (sa pagsunod at paggalang sa mga babae) sa kanila...”. (Qur’an 2:228)
Mga Uri ng Paglalambingan sa Pagitan ng Mag-asawa
Sa Higaan
Ang mag-asawa ay pinapayagang maghubad sa harapan ng bawat isa, at kapwa sila pinahihintulutang pagmasdan ang kanilang mga sarili. Si Bahz b. Hakeem ay nagsabi na ang kanyang ama ay nag-ulat na sinabi ng kanyang lolo na:“O Sugo ng Allah ! Hanggang saan natin pangangalagaan ang maselang bahagi ng ating katawan? Ang Sugo ng Allah ay nagsabi; ‘Pangalagaang lubos ang pribadong bahagi ng inyong katawan maliban sa inyong asawa at sa mga nasa ilalim ng pamamahala ng inyong kanang kamay.’ Tinanong niyang muli ang Propeta: ‘Kung sakali ang mga tao ay nagtipon-tipon sa isang lugar?’ Sinabi ng Propeta; ‘Kung maaari mong pangalagaan mula sa paningin ng iba (ang asawa), kailangan mong gawin. Nagtanong akong muli; ‘O Sugo ng Allah ; ‘Kung sinuman sa atin ang nag-iisa?’ Sinabi ng Propeta: ‘Dapat lalong mahiya sa Allah ang isang tao kaysa kung siya ay nasa maraming tao.” (Abu Dawood)
Ang mag-asawa ay maaaring magpakaligaya sa anumang paraang kanilang naisin, habang ang lalaki ay ginagamit ang tamang lugar sa kanilang pagtatalik (sa mismong maselang bahagi ng kanyang asawa at hindi sa likuran).
Inilahad ni Ibn Abbas na si Umar b. al-Khattab(d) ay lumapit sa Propeta (s) at nagsabi; ‘O Propeta ng Allah (y), nagkasala ako ng malaki!’ At ang Propeta (s) ay nagtanong bakit niya ito nasabi. Sinabi ni Omar (d), ‘Ginamit ko ang aking asawa kagabi sa naiibang paraan!’ Hindi nagpahayag ng puna ang Propeta (s) sa kanya, datapwat sa sandaling iyon bumaba ang rebelasyon mula sa Allah(U),“Ang inyong mga asawa ay isang taniman para sa inyo, kaya’t lapitan ang inyong mayamang taniman sa anumang paraan na inyong naisin, kung kailan at kung paano ninyo ibig...” (Qur’an 2 :223)
Ang Propeta (s) ay nagsabi; “Makipagniig sa inyong mga asawa sa anumang paraang inyong naisin habang ito'y isinasagawa sa maselang bagahi ng kanyang katawan at siya ay walang buwanang dalaw”. (Tirmidthi)
Ang Hadeeth na ito ay hindi nangangahulugang kinakailangang lumayo ang lalaki sa kanyang asawa, at iwasang kumain at uminom na kasama niya kapag siya'y mayroong buwanang dalaw. Si A'ishah (d) ay nag-ulat;“Nang ako ay may buwanang dalaw, uminom ako sa isang kupita at ang Propeta ay uminom din sa mismong lugar na aking pinag-inuman. At kumain ako ng karneng nasa buto, at ang Propeta ay kumain din sa mismong lugar (na aking kinainan)”. (Nasai)
Gayunpaman, sinuman ay maaaring magpakaligaya sa piling ng kanyang asawa habang siya'y mayroong buwanang dalaw, subali't kailangang iwasan niya ang pakikipagtalik sa kanya. Si Anas bin Malik (d) ay nagsabi, ‘Kapag ang babaeng Hudyo ay may regla, (ang asawa) ay hindi sasabay sa pag-inom at pagkain sa kanya, at hindi siya lalapitan kung sila ay nasa kanilang pamamahay. Ang mga Kasamahan ng Propeta (s) ay nagtanong tungkol dito, at ang Allah(U) ay nagpahayag; "Ang inyong mga asawa ay isang taniman para sa inyo, kaya’t lapitan ang inyong mayamang taniman sa anumang paraan na inyong naisin, kung kailan at kung paano ninyo ibig, at magbigay [ng mga mabuting gawain, o manalangin sa Allah na pagkalooban kayo ng mabuting mga supling)] para sa inyong mga sarili. At matakot sa Allah at alalahanin na Siya ay inyong makakaharap (sa Kabilang Buhay), at magbigay ng magagandang balita sa mga mananampalataya”. (Qur’an 2:223)
Ang Propeta (s) ay nagsabi; “Magpakaligaya kayo sa inyong mga asawa (sa panahon ng pagreregla) subali't iwasan ang aktuwal na pakikipagtalik”. (Muslim)
Nang marinig ito ng mga Hudyo (pahayag sa itaas) ay kanilang sinabi: ‘Ang taong ito ay nais na maiba sa atin sa lahat ng bagay!’
Si Usaid b. Hudhair at si Ab’baad b. Bishr ay nagbalita sa Propeta (s) kung ano ang sinasabi ng mga Hudyo, at sinabi; ‘Hindi ba tayo maaaring makipagniig sa ating asawa habang sila ay may buwanang dalaw?’ (Nang marinig ng Propeta, ang Propeta ay nagalit, at ang dalawa niyang Kasamahan ay umalis. May isang nagbigay ng gatas bilang regalo sa Propeta at tinawag silang pabalik, upang ang mga Kasamahan ay hindi mag-isip na siya ay galit sa kanila.” (Muslim & Abu Dawood)
Inulat ni Jabir na ang mga Hudyo ay nagsabi; ‘Kung ang isang lalaki ay nakipagniig sa kanyang asawa mula sa likod (nguni't sa maselang bahagi ng kanyang katawan) ang batang isisilang ay magiging duling.’ Kaya ang Allah(U) ay nagpahayag ng;“Ang inyong mga asawa ay isang taniman para sa inyo, kaya’t lapitan ang inyong mayamang taniman sa anumang paraan na inyong naisin, kung kailan at kung paano ninyo ibig...” (Qur’an 2 :223)
Magkaganon, sinabi ni Jabir; “Kung gusto ng isang lalaki ay maaari siyang makipagniig sa kanyang asawa sa kahit na anong paraang kanyang maibigan, habang nakikipagtalik siya sa maselang bahagi ng katawan ng kanyang asawa.” (Muslim)
Isang Sunnah na bigkasin ang Pangalan ng Allah(U) bago lumapit ang isang lalaki sa kanyang asawa upang makipagniig, at manalangin na kagaya ng naiulat sa Hadeeth; Kung sinuman ang nais makipagtalik sa kanyang asawa ay pinapaalalahanang bigkasin ang ganitong panalangin: ‘Bismillah, Al’laahum’ma jan’nib’nash-shaitan wa jan’nib ash-Shaitan maa razaqtana.’
Ang Kahulugan ay: Ako ay nagsisimula sa Pangalan ng Allah…‘O Allah! Kalingain Mo kami at ilayo Mo kami kay Satanas’. Kung ang mag-asawa ay nagkaanak bunga ng pagniniig na ito, sa kagustuhan ng Allah, ang kanilang anak ay hindi mapipinsala ni Satanas”. (Bukhari)
Nararapat ding lambingin ng lalaki ang kanyang asawa sa pamamagitan ng banayad na paghaplos at matatamis na halik upang pukawin ang kanyang damdaming sekswal. At kailangan niyang hintaying maging ganap ang kasiyahang sekswal ng kanyang asawa bago matapos ang kanilang pagniniig. Inulat ni Anas (d) na ang Sugo ng Allah (y) ay nagsabi: “Kapag ang lalaki ay nakikipagtalik sa kanyang asawa, kailangan niyang maging matapat sa kanya. Kung nauna siyang nasiyahan sa kanyang asawa, kinakailangan niyang hintayin hanggang tuluyang masiyahan ang kanyang asawa ”. (Abu Ya’la)
Si Umar bin Abdulaziz (d) ay nag-ulat na sinabi ng Propeta (s): “Huwag kaagad makipagtalik sa inyong asawa. Hintaying mapukaw ang kanyang damdaming sekswal tulad ng inyong nararamdaman." Isang lalake ang nagtanong: O Propeta ng Allah ! Ano ang nararapat kong gawin (upang ito'y aking makamtan?) Siya ay sumagot: ‘Halikan siya, haplusin siya, at sikaping mapukaw ang kanyang damdaming sekswal. Kapag naramdaman mong handa na siya tulad ng iyong nadarama, magkagayon, simulan ang pakikipagtalik sa kanya." (Al-Mughni)
Karagdagan dito, isang gawain din bilang ‘Sunnah’ kung ang lalaki ay naghahangad na makipagtalik muli sa kanyang asawa, nararapat siyang maligo o maglinis, tulad ng paghuhugas bago magdasal (Salah). Iniulat na sinabi ng Propeta (s) ang; “Kapag ang isang lalaki ay nakipagtalik sa kanyang asawa at pagkaraan ay nais niya itong isagawang muli, kailangan niyang magsagawa ng wudhu”. (Iniulat ni Imam Muslim)
Ang gawaing ito ay dalisay at mas mainam upang pangalagaan ang kalinisan at nagdudulot ito sa isang tao ng panibagong lakas at hangarin sa kanyang pagnanasang sekswal.
Sa Paliligo
Ang paglalambing ng sinuman sa kanyang asawa ay hindi lamang nakakamit sa tulugan o higaan. Ang kaligayahan sa asawa ay maaaring matamo anumang oras kung nakatitiyak na ang lugar ay ligtas at napapangalagaan.
Si A'ishah (d) ay nagsabi; “Ang Propeta ng Allah at ako ay naligo sa iisang lalagyan ng tubig. Siya ay nagmadaling gumamit ng tubig at aking sinabi sa kanya, ‘Tirhan mo ako! Tirhan mo ako! (Muslim)
Sa Loob ng Bahay
Minsan, tinanong si A'ishah (d):“Ano ang ginagawa ng Propeta ng Allah sa pagpasok niya sa inyong tahanan? Siya ay sumagot: 'Gumagamit siya ng Siwak, maaaring upang linisin niya ang kanyang bibig bago hagkan at yakapin ang kanyang pamilya.'
Si A'ishah (d) ay nagsabi; “Hinalikan ng Propet(s) ng Allah ang isa sa kanyang mga asawa at tumuloy sa Masjid upang mag-salah (dasal) at hindi siya nagsagawa ng ‘wudhu’. (Ahmed)
Sa Labas ng Bahay
Tulad ng unang nabanggit, ang kasiyahan sa pagitan ng mag-asawa ay pinahihintulutan sa anumang oras at mga lugar kung nakatitiyak na ang lugar ay ligtas at pribado. Walang dapat makakita sa mag-asawa sa oras ng kanilang paglalambingan at hindi nila maaaring gawin ito sa harap ng publiko.
Si A'ishah (d) ay nagsabi;“Noong ako ay bata pa, bago ako naging mataba, ang Propeta ng Allah at ako ay nasa isang paglalakbay. Pinauna niya ang aming mga Kasamahan at hinamon niya ako ng takbuhan nguni't tinalo ko siya. Pagkaraan noon ang Propeta ng Allah ay hindi na nagyayang makipaghabulan sa akin. Sa paglipas ng panahon, tumaba na ako at nakalimutan kong tinalo ko siya minsan sa takbuhan. Sa pagkakataong kami ay nasa isang paglalakbay muli, pinauna na naman niya ang aming Kasamahan at hinamon niya akong muli ng takbuhan. Sinabi ko sa kanya; Propeta ng Allah ! Papaano ako makikipaghabulan sa iyo ngayong mabigat na ako? Kanyang sinabi: 'Magagawa mo iyan.' Naghabulan kami nguni't tinalo niya ako sa pagkakataong iyon. Kanyang sinabi: 'O A'ishah ang panalo (aking panalo) sa pamamagitan ng panalong iyan (ay para sa'yo) sa karerang ito.(As-Silsilah as-Saheehah)
Mahigpit na ipinagbabawal na ipamalita o ibunyag ang mga lihim ng mag-asawa o kaya'y pag-usapan ang mga bagay na ginagawa sa pagitan ng mag-asawa sa loob ng pribadong lugar. Ang Propeta (s) ay nagsabi;“Ang pinakamalaking pagtataksil sa Araw ng Pagbabangong Muli ay kung ang isang lalaki na pagkatapos gawin ang lahat ng nais niya sa kanyang asawa, at nakipag-ulayaw (ang asawa) at nasiyahan sa pakikipagniig ang lalaki, at pagkaraan ay ipinamalita sa ibang tao ang ginawa sa kanyang asawa!’(Muslim)
Upang maipagpatuloy ang magandang pagsasama ng mag-asawa, ang Islam ay nagtatag ng mga alituntunin at karapatan ng bawat isa (mag-asawa). Ito ang nangangalaga sa katatagan ng pamilya at sa kanilang kinabukasan. Kinakailangan maunawaan at malaman ng mag-asawa ang kanilang tungkulin sa bawat isa.