Ang Khul’ (Pagtanggi)
Kung ang pagsasama ay hindi nabuo dahil sa pag-ibig, pagmamahalan at magandang samahan ng mag-asawa, ang buhay ay magiging magulo at walang kaginhawahan. Sa ganitong pagkakataon, ipinag-uutos sa Islam sa mag-asawa na maging mahinahon at matiisin. Ang Allah (y) ay nagsabi: "At pakisamahan sila ng marangal. Kung sila’y hindi ninyo kinalulugdan, maaaring hindi ninyo kinalulugdan ang isang bagay na sa pamamagitan nito’y magbibigay ang Allah ng isang masaganang kabutihan.” (Qura’n 4:19)
Kung ang kalagayan ay hindi na mapagtiisan, at ang lalaki ay hindi na makapagbata sa kanyang asawa, maaari niya itong idiborsyo, at kung ang babae ay labis ng naaapi at hindi na rin matiis ang kanyang asawa, naaayon sa batas ng Islam at karapatan niya na humiling ng Khul’ (dagliang paghihiwalay). Sa pagkakataong ito, kailangan niyang ibalik sa lalaki ang Mahar (dote) na kanyang kinuha upang wakasan ang kanilang pagsasama. Ito ay isang tanda ng ganap na katarungan sa Islam, ibinigay ng lalaki ang dote (dowry) sa kanyang asawa, at inako ang lahat ng gastusin sa kanilang kasal. Ang Allah (y) ay nagsabi: "Hindi pinahihintulutan sa inyo (mga kalalakihan) na bawiin (mula sa inyong mga asawa) ang anumang Mahr na inyong ibinigay sa kanila, maliban lamang kung ang magkabilang panig ay nangangambang hindi nila matupad ang hangganang itinakda ng Allah. Kung nangangamba kayo na hindi nila mapananatili ang hangganang itinakda ng Allah, samakatuwid, kapwa sila walang kasalanan kung ibalik ng babae ang kanyang ang Mahar (o bahagi nito) sa kanyang asawa upang kanyang makamtan ang kanyang kalayaan. (sa pamamagitan ng Khul [dagliang paghihiwalay]).” (Qur’an 2:229)
Si Ibn Abbas ay nag-ulat na ang asawa ni Thabit b. Qais ay pumunta sa Propeta (s) at nagsabi; 'O Sugo ng Allah! hindi ko sinisisi si Thabit dahil sa kanyang di-magandang pag-uugali o sa kanyang Deen, nguni't ako, bilang isang Muslim, hindi ko gusto ang kanyang inaasal o pag-uugali na parang hindi Muslim (kung ako ay makikisama pa sa kanya). Sa ganoong pagkakataon sinabi ng Propeta sa kanya ; ‘Ibabalik mo ba sa kanya ang ibinigay na hardin sa iyo (bilang Mahr) ? Sinabi niya ; ‘Oo ! Kaya’t sinabi ng Propeta kay Thabit, ‘O Thabit ! Tanggapin mo ang iyong hardin at idiborsyo mo siya kaagad.” (Bukhari)
Ang layunin ng Islam ay mapangalagaan ang karangalan ng tao, at pamayanan sa lahat ng kasamaan. Kung ang isang babae ay mananatili sa isang lalaking hindi niya nais makasama o kaya ang isang lalaking ayaw makasama ang isang babaeng hindi niya ibig, ito ay maaaring magtulak sa bawat isa sa kanila upang gumawa ng bagay na ipinagbabawal, lalo na kung wala silang matibay na Islamikong kaalaman upang pangalagaan nila ang pag-iwas sa ipinagbawabal. Ang Allah (y) ay nagsabi: "At kung sila ay maghiwalay, ipagkakaloob ng Allah ang kasaganaan sa bawa’t isa sa kanila mula sa Kanyang Biyaya. At ang Allah ang Lubos na may Kasapatan sa pangangailangan ng Kanyang mga nilikha – ang Ganap na Matalino. ” (Qur’an 4:130)